Tiniyak ng DOJ o Department of Justice na magiging patas ang kanilang ipalalabas na resolusyon sa mga isinampang kaso laban kay Health Secretary Francisco Duque III kaugnay ng kontrobersiya sa dengvaxia.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kanilang reresolbahin ang mga kaso laban kay Duque batay sa mga inilatag na ebidensiya rito.
Binigyang diin pa ni Guevarra, walang magiging kamay ang pangulo sa kanilang ipalalabas na resolusyon hinggil sa mga nabanggit na kaso.
Sa kabila aniya ito ng pagbibigay opinyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan sinabi nitong hindi uusad ang mga kasong isinampa ng pamilya ng mga naging biktima ng dengvaxia laban kay Duque.
Inaasahan namang mareresolba na ng DOJ ang mga kaso kaugnay ng kontrobersiya sa dengvaxia kabilang na ang inihaing reckless imprudence resulting in homicide at paglabag sa Anti-Torture Act at Consumer Act laban kay Duque ngayong buwan.