Hindi na makikinabang pa sa bagong IRR o Implementing Rules and Regulation ng Republic Act Number 10592 o mas kilala bilang Good Conduct Time Allowance Law ang mga bilanggong nahatulan dahil sa heinous crime.
Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra matapos nilang pag-aralan at lagdaan ni Interior Secretary Eduardo Año ang amended IRR ng GCTA Law.
Ayon kay Guevarra, hindi na mabibigyan pa ng kredito sa ilalim ng bagong IRR ng GCTA Law ang mga PDL o Persons Deprived of Liberty na sangkot sa paulit-ulit na paglabag sa loob ng New Bilibid Prison at mga nahatulan dahil sa heinous crimes.
Kumpiyansa naman sina Guevarra at Año na magiging malinaw na sa lahat ang pagpapatupad ng GCTA Law matapos nilang maaprubahan ang bagong IRR nito.
Pangunahing nirepaso sa IRR ang listahan ng mga convict na hindi nararapat bigyan ng GCTA tulad ng recidivist, escapees, habitual delinquents at mga nahatulan sa heinous crimes.
Binigyang linaw na rin sa bagong IRR ang mga maituturing na heinous crimes tulad ng murder, kidnapping, ilang drug related case, parricide, rape, plunder at iba pa alinsunod na rin sa umiiral na R.A 7659 o Death Penalty Law.