Tuluyan nang isinara ng Department of Justice ang pinto para sa posibleng paglaya ni dating Calauan mayor Antonio Sanchez sa pamamagitan ng GCTA o Good Conduct Time Allowance.
Ayon kay Justice Undersecretary Markk Perete, spokesman ng DOJ, malinaw sa batas na hindi nito sakop ang mga bilanggo na sentensyado sa henious crime.
Malinaw anya na hindi kasama si Sanchez dahil sentensyado ito ng pitong life sentence dahil sa karumal dumal na panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pagpatay sa kasama nitong si Allan Gomez.
Sinabi ni Perete na dahil din sa probisyong ito ay posibleng mabawasan ang 11,000 bilanggo na unang napaulat na posibleng makalaya sa pamamagitan ng GCTA.
“Once na narrow down yung mga prisoners na yun, iisa isahin na yun kung una, nag a apply ba sa kanila yung exclusion, pangalawa, kung nadisatisfy nila yung mga conditions for eligibility to the law based on each case kasi titingnan nila yung record kung ano ba yung kasong kanilang kinakaharap, nagkaroon ba sila ng mga violations, then atsaka lang masasabi na possible beneficiary ito.”— Pahayag ni DOJ Spokesman Usec. Markk Perete.
(Balitang Todong Lakas interview)