Isang pasyente na inooperahan sa mata ang sa halip na gumaling ay nauwi sa pagkabulag dahil sa panununtok sa kaniya ng doktor sa kalagitnaan ng operasyon.
Kung bakit ito ginawa ng doktor, alamin.
Isang kontrobersyal na video ng operasyon na nakunan sa isang ospital sa China noong 2019 ang muling naungkat matapos mag-viral online.
Kung titingnan ay tila isang normal na medical procedure lamang ang isinasagawa rito, ngunit makikita na bigla na lamang pinagsusuntok ng doktor sa ulo ang kaniyang otsenta’y dos anyos na babaeng pasyente.
Nang dumaing ang pasyente ay mabilis na nagsilapitan sa kaniya ang iba pang staff na nasa loob din ng operating room.
Dahil sa hindi matagumpay na operasyon, nagsampa ng reklamo ang pasyente, kung saan nabulag din ang kaliwang mata nito.
Sinabi naman ng doktor sa isinagawang imbestigasyon ng ospital na hindi raw tumalab ang inilagay niyang anaesthesia at naging magalaw din daw ang ulo at mata ng matanda. Bukod pa riyan, hindi rin daw fluent ang pasyente sa Mandarin kung kaya’t hindi sila nagkaintindihan nito.
Agad namang humingi ng tawad ang ospital sa pamilya ng pasyente at aminado rin sila na hindi tama ang ginawa ng doktor.
Matapos nito, nagpaabot ang ospital ng 500 yuan o halos apat na libong piso sa pamilya ng pasyente.
Samantala, hindi na natukoy kung sino ang naglabas ng lumang video kung saan agad na sinuspinde ang CEO ng ospital at ang nasabing doktor na isa na palang hospital director.
Ikaw, anong masasabi mo sa inasal ng nasabing doktor?