Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na huwag nang paramihin pa ang mga dokumento na kailangang isumite ng mga biktima ng kalamidad maging ang mahabang application form para makakuha ng financial assistance mula sa pamahalaan.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, mamamahagi ang kagawaran ng 10K cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program para sa mga biktima ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Northern Luzon nitong Miyerkules.
Aniya, dismayado rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga form na kinakailangan pang sagutan ng mga biktima para makakuha ng tulong sa gobyerno.
Samantala, sinabi ng kalihim na hihingi ito ng tulong sa mga mambabatas upang isulong ang mga batas upang alisin ang maraming dokumentong rekisito sa mga biktima ng kalamidad upang maging kwalipikado na makatanggap ng tulong.