Nakikipag-tulungan na ang Department of Labor and Employment sa Philippine General Hospital para sa pamamahala ng kauna-unahang ospital sa bansa na nakalaan para sa Overseas Filipino Workers.
Ayon kay DOLE Labor Secretary Silvestre Bello III lumagda na sila ng Memorandum of Understanding sa PGH upang pangasiwaan ang ospital na itinatayo sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Sa ilalim ng MOU, tutulungan ng PGH ang OFW Hospital sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga Clinical at Administrative Personnel, pagpaplano at pagkuha ng mga kagamitan sa ospital.
Gagabayan din ng PGH ang ospital sa paglikha ng Electronic Medical Record at Information System at pagpaplano ng layout ng imprastraktura kaugnay ng mga medical service.
Inaasahang matatapos ang 100-bed Hospital Building sa Marso ngayong taon.