Humingi ng paumanhin ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawa na hindi na nila maisasama sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) dahil sa kakapusan ng pondo.
Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, nakapag-request na sila ng karagdagang P2.5-billion para sa CAMP subalit hindi pa ito naaprubahan.
At kahit anya makuha nila ang karagdagang pondo, sasapat lamang ito para sa kalahating milyon pang manggagawa mula sa 1.6-million applications na kanilang natanggap.
Sinabi ni Tutay na nasa P1.6-billion ang orihinal nilang pondo para sa CAMP na sapat lamang para sa 321,000 na manggagawa.
Sa ngayon anya ay umabot na sa 237,000 ang nabayaran nila ng tig-P5,000 ayuda at nasa P400-milyon na lamang ang hawak nilang pondo.
Una rito, ini anunsyo ng DOLE na itinigil na nila ang pagtanggap ng aplikasyon para sa CAMP.