Hinikayat ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga manggagawa na isumbong ang mga employer na nagpapatupad ng “no vaccine, no salary” policy.
Tiniyak ni Bello na magsasagawa sila ng inspeksyon at nagbabala na makakasuhan ang sinumang employer na magpapatupad ng iligal na polisiya.
Ito’y bilang tugon sa pahayag ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na imbestigahan ang ilang employer na hindi pinapasahod ang kanilang mga empleyadong hindi pa kumpleto ng bakuna laban sa COVID-19.
Ayon sa kalihim, dapat tukuyin ng TUCP ang mga employer o business establishment upang makapagsagawa ng inspeksyon.
Sa oras na mapatunayan, maglalabas anya sila ng compliance order laban sa mga employer upang bayaran ang sahod ng kanilang mga empleyado dahil sa kakulangan ng ligal na basehan upang ipitin ito.—sa panulat ni Drew Nacino