Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ipauubaya na nito sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga at pagsampa ng kaso sa mga taong sangkot sa anomalya sa Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa Quezon City.
Ayon kay DOLE National Capital Region Director Sarah Mirasol na hindi nila maipagpatuloy ang implementasyon ng TUPAD habang hinihintay pa nila ang resulta ng imbestigasyon ng NBI.
Sinabi naman ng ilang benipesyaryo kinaltasan ng halos kalahati sa dapat na matanggap nilang ayuda at aabot sa milyun-milyong piso ang umano’y nakulimbat sa naturang anomalya.
Samantala, dahil dito, maraming displaced workers sa Quezon City ang labis na naapektuhan dahil hanggang sa ngayon ay hindi matanggap ang kanilang ayudang pinansiyal makaraang suspendihin ito noong nakaraang taon. —sa panulat ni Mara Valle