Itinanggi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang napaulat na pauuwiin na umano ang mga Pilipinong household worker sa Hong Kong.
Ito’y sa gitna ng pagpapatuloy ng kaguluhan sa Hong Kong.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, hindi pa nakikita ang pangangailangan ng repatriation ng mga OFW sa nasabing bansa.
Ani Bello, ang mandatory repatriation ay nakadepende sa crisis alert level na itinataas ng Department of Foreign Affairs sa isang lugar.
Gayunman, tiniyak ni Bello na nakatututok sila sa kalagayan ng mga OFW sa Hong Kong at kung sakaling kailangan na umanong umuwi ng mga ito, mayroong pang opurtunidad na naghihintay para sa kanila.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng DOLE ang lahat ng manggagawang Filipino sa Hong Kong na mag-ingat at umiwas sa mga lugar na pinagdadausan ng kilos protesta.