Namemeligrong maipit ang sweldo o masibak sa trabaho ang sinumang empleyadong tatanggi o tumangging magpabakuna kontra COVID-19.
Ito ang nilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III taliwas sa nauna nitong pahayag na iligal ang naturang polisiya.
Gayunman, tanging mga establisyimentong saklaw ng IATF guidelines para sa restaurants at spas anya ang maaaring mang-ipit ng sweldo o magtanggal ng mga empleyadong tatangging magpabakuna.
Partikular na tinukoy ng kalihim ang IATF rules sa implementasyon ng five-tier alert level system para sa COVID-19 response sa pilot areas simula noong October 13.
Ayon kay Bello, nakasaad sa alituntunin na maaaring mag-operate ang mga establisyimento “kung lahat ng kanilang empleyado ay fully vaccinated na laban sa COVID-19” at nasusunod ang health protocols.
Ipinunto ng Labor Chief na bagaman hindi mandatory para sa lahat ng manggagawa ang vaccination, ni-require naman sa IATF resolution na lahat ng empleyado ay dapat bakunado.—sa panulat ni Drew Nacino