Mahigpit na binabantayan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang badyang pagsasara ng ilang pabrika ng tela sa bansa.
Nabatid na 4,000 manggagawa mula sa 5 apparel company sa Cebu ang nawalan ng trabaho matapos na magpatupad ng retrenchment.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ito ay bunsod ng pagbabawas ng produksyon ng mga pabrika dahil sa pagbaba ng demand sa Amerika.
Giit naman ng kalihim na natanggap na ng mga nasabing workers ang separation benefits at nagkaroon din aniya ng job fair ang DOLE-Region Office 7 dahil mayroong mga kompanya na nangangailangan ng mga dagdag na manggagawa.
Maliban sa job fair, nag-alok din ang ahensya ng technical counseling at livelihood program.
Tiniyak naman ni Laguesma na handa silang magbigay ng tulong sa mga empleyadong posible ring mawalan ng trabaho sa ilang apparel company sa Bataan at Batangas.