Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaari namang magpatupad ang mga employer ng four-day work week kahit walang bagong batas o department order.
Ayon kay DOLE Undersecretary Benjo Benavidez, nakapag-issue na sila ng mga labor advisory na nagpapahintulot sa mga employer na magpatupad ng flexible work arrangements, simula pa noong isang taon.
Kabilang na rito ang work-from-home, pagbabawas ng araw ng trabaho at job rotation.
Ipinunto ni Benavidez na nasa pagpapasya na ng mga employer kung paano i-reregulate o isasagawa ang kanilang operasyon.
Bagaman maaari naman anyang panatilihin ang walong oras kada araw na duty kahit mayroong four-day work week, dapat itong pagkasunduan ng employers at employees.