Minamadali na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbibigay ng emergency employment at iba pang tulong para sa mga manggagawang apektado sa paghagupit ng Bagyong Nina sa bansa.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nagbigay na ito ng direktiba sa mga regional labor offices sa mga lugar na naapektuhan ng nasabing bagyo na madaliin na ang paglalabas ng pondo mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers, isang programa ng nagbibigay ng agarang trabaho para sa mga naging biktima ng kalamidad.
Ang pagpro-profile ng mga naapektuhang manggagawa ay isang standard operating procedure matapos ang pagtama ng isang kalamidad sa bansa sa kooperasyon na rin ng mga lokal na pamahalaan at Public Employment Service Offices sa mga rehiyon.
Base sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa tatlo ang kumpirmadong patay habang sampu pa ang nawawala sa paghagupit ng bagyong Nina sa bansa.