Binalaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga Pilipino na nagnanais magtrabaho sa ibang bansa laban sa mga mapanlinlang na alok na trabaho online.
Ito’y makaraang makatanggap ng hiling ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Madrid, Spain na beripikahin ang online job offer na fruit farmcashier sa naturang bansa na may sahod na 3,000 o 6,000 Euros.
Pinayuhan ni POLO Madrid Labor Attaché Joan Lourdes Lavilla ang mga naghahanap ng trabaho na mag-ingat sa pag-entertain sa ‘too good to be true’ job opportunities sa ibayong dagat.
Ayon kay Villa, karaniwang ginagamit ng mga scammer ang pangalan ng mga lehitimong kumpanya at nagbibigay pa ng mga mobile number.
Kabilang anya sa mga tip upang matukoy kung totoo ang mga impormasyon ay tingnan ang address sa pamamagitan ng google maps lalo’t minsan ay walang aktuwal na gusali ng kumpanya.
Isa ring indikasyon na scam ang trabaho ay kapag ang isang aplikante ay kinakailangang magpadala ng pera sa isang indibidwal sa pamamagitan ng isang remittance center.