Nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga jobseekers o mga naghahanap ng trabaho laban sa mga pekeng social media pages at accounts na nag-aalok ng trabaho sa loob at labas ng bansa.
Naglabas ng anunsyo ang DOLE makaraang makatanggap sila ng ulat mula sa isang naghahanap ng trabaho kung saan sinasabi nitong nagkaroon siya ng transaksiyon para sa isang trabaho sa isang nagngangalang Arthur Villena na nagta-trabaho umano sa DOLE.
Ayon sa naturang jobseeker, nakita niya aniya ang job opportunity post sa isang Facebook page na may pangalang “DOLE Job Assistance-Local and Abroad” na nag-aalok ng iba’t ibang uri ng trabaho.
Gamit din ng naturang Facebook page ang opisyal na logo ng DOLE at mayroon ding lamang mga larawan ng mga trainings pati na ang larawan ni dating Labor secretary Rosalinda Baldoz.
Agad umanong tinawagan ng naghahanap ng trabaho ang numerong nakalagay sa nagpapanggap na DOLE page at inutusang magpadala muna ng halagang P1,000 para sa “reservation fee” sa pamamagitan ng mobile money transfer.
Makaraang makapagpadala ng nabanggit na halaga ay sinabihan pa umano ni “Arthur” ang jobseeker na magkita sa DOLE Central Office sa Intramuros sa Maynila upang maasistihan sa job application nito.
Wala namang sumipot na “Arthur” sa nakatakdang araw ng kanilang pagkikita at hindi na rin sumagot sa kanyang mga tawag.
Napag-alaman na walang “Arthur Villena” na nagtatrabaho sa DOLE at peke rin ang nabanggit na Facebook account.
Inireport naman na ng DOLE ang page sa pamunuan ng Facebook upang maipasara na ito.
Samantala, payo ng DOLE sa mga naghahanap ng trabaho, bisitahin ang kanilang official website sa www.dole.gov.ph, ang PhilJobNet at www.philjobnet.gov.ph para sa mga job offers sa bansa at ang website naman ng POEA sa www.poea.gov.ph para sa mga trabaho overseas o sa ibang bansa.