Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagha-hire sa 6,000 government interns mula sa Batangas na apektado ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, layon ng naturang hakbang na madagdagan ang pwersa na tutulong sa mga komunidad na lubos na naapektuhan ng bulkan.
Bukod dito, mabibigyan din aniya ng pansamantalang trabaho ang mga apektadong residente kung saan sila ay makakatulong pa sa kanilang lokal na pamahalaan sa relief at rehabilitation efforts.
Partikular umanong ipadadala ang mga intern sa mga bayan ng Lemery, Mataas na Kahoy, Agoncillo, Laurel, Talisay, Taal, San Nicolas, Balete, San Jose at Sta. Teresita sa Batangas.
Ang matatanggap na mga intern ay magta-trabaho sa loob ng 30 araw at makatatanggap ng P12,000 sahod.
Sa mga nais mag-apply kailangan lang umano ay 18 taong gulang pataas, may karanasan man o wala sa pagtatrabaho, atleast high school o senior high school graduate o anomang katumbas sa ilalim ng alternative learning system, o graduate ng technical vocational courses.