Handa na ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine General Hospital (PGH) sa pagbubukas ng kauna-unahang ospital para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Inanunsyo ng DOLE na nakipagpulong na sila sa PGH doctors at sa mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bilang preparasyon sa pagpapasinaya sa OFW hospital.
Papasinayaan ang nasabing pagamutan sa San Fernando, Pampanga, sa Labor day, Mayo a – uno.
Tinalakay sa pulong ang operation plans ng ospital at sumailalim sa orientation ang mga bagong tauhan na kinabibilangan ng mga doktor at nurse.
Una nang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang konstruksyon ng nasabing gusali ay pagkilala sa mga tinaguriang modern-day heroes ng bansa.