Pinuri ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Qatar bunsod ng ipinatutupad nitong labor policy reform kung saan saklaw nito ang lahat ng mga migrant workers.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, kasado na ang 1,000 Qatari Riyal o katumbas ng P13,325 na minimum wage para sa lahat ng mga manggagawa, anuman ang lahi, sa pribadong sektor.
Dahil sa bagong ‘non-discriminatory minimum wage’ na ito, ang Qatar na ngayon ang kauna-unahang Arab state na naglatag ng reporma sa sektor ng paggawa.
Matatandaang tinanggal na rin ng Qatar ang tinatawag na “kafala” ang sistemang kailangang humingi pa ng permiso sa kanyang dating employer ang isang empleyado bago makakuha ng bagong trabaho.