Pinakilos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang regional office sa Davao City para imbestigahan ang kalagayan ng mga empleyado ng SSI Call Center.
Magugunitang karamihan sa mga nasawi sa sunog sa NCCC Mall ay mga empleyado ng naturang US based company.
Ayon kay Bello, mahalagang malaman kung nasa ligtas na lugar ang mga empleyado bago naganap ang sunog na kumitil sa halos 40 katao.
Disyembre 23 nang matupok ang 14 na taon nang nakatayong four – storey establishment.
Samantala, pinatututukan ng BPO Workers Association of the Philippines (BWAP) sa gobyerno ang mga lugar na kinatatayuan ng iba pang call centers.
Sinabi ni Ruben Torres, pangulo ng BWAP, dapat matiyak na ligtas ang kalagayan ng mga empleyado ng BPO na halos lahat ay 24 oras ang operasyon.
Magugunitang tiniyak ng Pangulong Rodrigo Duterte ang masusing imbestigasyon sa naturang naganap na sunog sa Davao City.
Sa pribadong pakikipag – usap ng Pangulo sa mga pamilya ng mga biktima, sinabi nitong bubuo ng isang inter – agency body na tututok sa imbestigasyon.
Siniguro din ng Punong Ehekutibo na lalabas ang katotohanan at walang magiging cover – up sa kaso.