Ipinauubaya na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawa ang desisyon kung tatanggapin o hindi ang pagbasura ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa hirit na 125 pesos across-the-board wage hike.
Ayon kay Labor Undersecretary Joel Maglunsod, bagaman inilaban nila ang karapatan ng mga manggagawa na itaas ang sahod, wala naman sa kamay ng DOLE ang pinal na desisyon.
Dapat anyang ipagpatuloy ng mga obrero ang kanilang panawagan na dagdagan ang sweldo sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ipagpapatuloy naman ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang kanilang mga konsultasyon sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Samantala, kinondena ng Kilusang Mayo Uno at Partido Manggagawa ang naging pasya ng NEDA.
By Drew Nacino