Sasagutin na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang sweldo ng 14,000 contact tracers matapos kapusin umano ng pondo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para bayaran ang mga ito.
Kasunod na rin ito ng alok ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa MMDA at DILG na akuin ang tatlong buwang suweldo ng contact tracers sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Sinabi sa DWIZ ni Bello na mayroon pa naman silang budget para ipantulong sa mga apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Nag-alok ako kay [DILG] Usec. Florece, inalukan ko ng 7,000 benepisyaryo ng TUPAD namin na gawing contact tracer at inalukan ko rin si [MMDA] chairman Benhur ng 5,000, so, 12,000 na benepisyaryo ng TUPAD namin ang gagawin nilang contact tracer. Pero humirit po si chairman Benhur Abalos, sabi nya ‘baka may mga lugar na mas kailangan pa’, sabi ko ‘sige, pare-pareho nalang, bigyan din kita ng 7,000′, ‘yung DILG 7,000, 14,000 na ‘yan,” ani Bello. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas