Nakikipag-ugnayan na ang Department of Labor and Employment sa Technical Education and Skills Development Authority upang saklolohan ang mga lugar na tinamaan ng magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon.
Ayon kay Labor secretary Bienvenido Laguesma, maglalabas ng Joint Memorandum Circular ng Training-Cum-Production at Emergency Employment Program ang DOLE at TESDA.
Ipatutupad ang nasabing proyekto sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng National at mga Local Government Units.
Layunin ng proyekto na bumuo ng grupo ng mga construction worker na tutulong sa mga LGU sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga nasirang pasilidad sa Cordillera Administrative at Ilocos Regions.
Nasa 40 batch ng 25 trainees mula sa pinakamahirap na naapektuhang mga lugar sa Abra, Ilocos Sur, at Benguet ang sasabak sa pilot implementation ng programa.