Tiwala ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mananatiling mataas ang demand para sa mga Pilipinong nurse sa ibang bansa.
Tugon ito ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa pangamba ni Senadora Nancy Binay na posibleng maubusan ng oportunidad sa trabaho sa ibang bansa ang mga filipino nurse dahil sa tagal ng ipinatutupad na deployment ban.
Sa pagdalo ni Bello sa pagdinig ng senado sa panukalang pondo ng DOLE sa 2021, kanyang sinabi na nakatitiyak siyang hindi mawawala sa Labor market ang mga Pinoy nurse dahil kilala ang mga ito bilang masisipag at maalaga.
Samantala, tiniyak din ni Bello na agad nilang ikokonsidera ang pag-alis sa deployment ban oras na gumanda na ang sitwasyon ng Pilipinas sa usapin ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), umaabot sa 16,000 mga Pilipino nurse ang nadedeploy sa ibang bansa taon-taon bago ang COVID-19 pandemic.