Inanunsyo ng pamunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na pansamantalang isasara ang kanilang punong tanggapan sa Maynila.
Ayon kay Rolly Francia, direktor ng information and publication service devision ng ahensya, ito’y makaraang magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang undersecretary ng ahensya.
Paliwanag ni Francia, hindi ito ang unang pagkakataon na isasara ang tanggapan ng ahensya, dahil may ilan naman nang mga empleyado nito ang nagpositibo sa COVID-19.
Humiling naman si Francia na ipagdasal ang naturang undersecretary na dinapuan ng virus, at nawa aniya’y agad itong makarekober.
Kasunod nito, habang nakasara ang tanggapan ng DOLE, magsasagawa ng disinfection sa buong tanggapan para matiyak na ligtas ito sa posibleng pagkalat pa ng virus.
Samantala, sa Lunes, ika-21 ng Disyembre, muling magbabalik-operasyon ang DOLE.