Pinayagan ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang shipment ng dolomite sand at pebbles mula sa bayan ng Alcoy para sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng Manila bay.
Ito mismo ang kinumpirma ni Garcia kung saan binigyan niya umano ng exemption ang Department of Environment and Natural Resources o DENR para sa partikular na dami ng dolomite at pebbles para sa nasabing proyekto.
Pinahintulutan aniya niya ang pagbyahe ng nasa 8,600 cubic meters na dolomite sand at 6,600 cubic meters na dolomite pebbles patungong Maynila.
Magugunitang noong Setyembre ng nakaraang taon, nagpalabas ng cease and desist order si Garcia laban sa dalawang kumpanya na sangkot umano sa pagkuha at pagbebenta ng dolomite na kaparehas na ginagamit ngayon sa Manila bay.