Todo-depensa ang Republican presidential candidate na si Donald Trump sa hindi nito pagbabayad ng tamang buwis.
Ito’y makaraang mailathala sa New York Times na idineklara ng business mogul noong 1990 na nalugi ito ng halos $1 billion dollar na maaaring maging dahilan para hindi makabayad ng income tax si Trump sa loob ng 18 taon.
Hindi ito itinanggi ni Trump at ipinagmalaki pang ginamit lang daw niya ang tax laws sa Amerika para sa kanyang benipisyo.
Ayon kay Trump, obligasyon niya na tiyaking hangga’t maaari ay kaunti ang babayarang buwis ng kanyang mga negosyo.
Kapag nanalo bilang Pangulo, gagamitin daw niya ang kanyang galing para makagawa ng batas na mabawasan ang babayarang buwis ng mga Amerikano kagaya ng kanyang ginawa.
By Mariboy Ysibido