Mas marami pang tulong ang makukuha ng Pilipinas mula sa China.
Tiniyak ito ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na nagsabing halos anim na bilyong pisong halaga ng grants at donations ang naibigay na ng Chinese government sa Pilipinas.
Siniguro rin ni Zhao ang pananatili ng China bilang tapat na kaibigan ng Pilipinas at ang pagkakaibigan ng dalawang bansa ay tatagal na habambuhay.
Bahagi ng donasyon ng Chinese government ang 3,000 piraso ng M4 rifles, 3 milyong rounds ng iba’t ibang bala at 90 sniper scopes na papakinabangan ng Philippine National Police o PNP.
Samantala, hindi gagamitin ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang libu-libong mga baril at milyun-milyong mga bala na libreng ibinigay ng China sa Pilipinas.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ito aniya ay dahil iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay ang mga donasyong armas sa PNP o Philippine National Police matapos maudlot ang pagbili ng Pambansang Pulisya ng mahigit 26,000 mga baril sa Amerika.
Kanina ay pormal nang tinanggap ni Lorenzana mula kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua ang nasa 3,000 M4 rifles, 3 milyong bala at 90 sniper scopes.
Matatandaang, nakapagbigay na ang China ng 3,000 rifles at 6 milyong bala noong Hunyo na napunta lahat sa PNP bukod sa 30 sniper scopes at 100 rifles na kinuha ng AFP.
(Krista de Dios / Ulat ni Jonathan Andal)