Naniniwala ang Civil Service Commission na labag sa batas ang pagtanggap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa P200,000 donasyon ni Dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson bilang pabuya sa pagkakahuli sa kanyang sasakyan na dumaan sa EDSA Busway.
Binigyang-diin ni CSC Commissioner Aileen Lizada na nakasaad sa Section 7 ng Republic Act 6713 na ang mga pampublikong opisyal at empleyado ay hindi dapat nanghihingi o tumatanggap ng anumang pabuya, regalo, loan, o anumang bagay na may kaugnayan sa pera.
Kahit maganda aniya ang intensyon ng dating gobernador ay hindi nito kailangang suklian ng donasyon ang pagganap ng MMDA sa kanilang tungkulin.
Iginiit pa ng CSC official na tanging maaari lamang mag-deposito sa general fund ng mga ahensya ng pamahalaan ay ang Department of Budget and Management. – sa panunulat ni Maianne Dae Palma