Matapos batikusin ng Commission on Human Rights (CHR), ihihinto na ng Quezon City Police District (QCPD) ang ginagawa nilang door-to-door na drug testing sa Payatas.
Ayon kay QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, sa ngayon ay magtatalaga na lang ng help desk sa mga barangay hall para sa mga nais magpa-drug test nang libre.
Sa pagpuna kasi ng CHR, iginiit nila na labag ito sa right to privacy ng mga kinakatok sa mga bahay-bahay.
Pero nilinaw naman ni Eleazar na bagaman nangangatok sila sa mga bahay-bahay sa Payatas, hindi naman sapilitan ang pagpapasailalim nila sa drug test sa mga ito.
Iginiit din ni Eleazar na hindi sila lumalabag sa batas dahil kung ayaw naman ng mga taong kanilang makakausap, ay hindi nila pipilitin ang mga ito.
Makikipag-ugnayan na muna ang QCPD sa iba pang mga lokal na otoridad at iba pang ahensya ng pamahalaan kaugnay nito.
By: Meann Tanbio
SMW: RPE