Pinag-aaralan na ng Department of Science and Technology (DOST) kung epektibong gamot laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang melatonin.
Ayon ito kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña matapos aprubahan ang clinical trial sa melatonin matapos itong ipagamit sa ilang pasyenteng may severe COVID-19 sa Makati Medical Center at Manila Doctors Hospital.
Bukod dito, ipinabatid ni Dela Peña ang pag-aaral sa Methylprednisolone na isang uri ng steroid na sumasailalim na rin sa clinical trial.
Nasubukan din aniya ang gamot na Dexamethasone subalit naghahanap sila ng katulad ng naturang gamot para hindi magka problema sa intellectual property.
Una nang inihayag ni Dela Peña na sinusuri na nila ang lagundi, tawa-tawa at virgin coconut oil na posibleng lunas sa ilang sintomas ng COVID-19 samantalang sasalang na aniya sa ilang buwang clinic trials ang kontrobersyal na Ivermectin.