Posibleng nagkaroon ng conflict of interest ang pinasok na memorandum of agreement ng Department of Tourism at People’s Television Network.
Ito ay kaugnay ng kontrobersyal na paglalagay ng ad ng DOT na nagkakahalaga ng animnapung (60) milyong piso.
Ayon kay Norma Aquino ng Commission on Audit o COA, lumitaw sa kanilang report na pitumpu’t limang (75) porsyento ng ads ng DOT ay inilagay sa Kilos Pronto na programa ng kapatid ni dating Tourism Secretary Wanda Teo na si Ben Tulfo ng Bitag Media.
Sinabi ni Aquino na dalawampu’t limang (25) porsyento lamang ng kabuuang ads ng DOT sa PTV ang ikinalat sa news programs ng naturang istasyon.
Teo, itinangging alam niyang sa kanyang kapatid ang programang Kilos Pronto
Itinanggi ni dating Tourism Secretary Wanda Teo na alam niyang mapupunta sa programa ng kanyang kapatid na si Ben Tulfo ang malaking TV ad ng Department of Tourism o DOT.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, iginiit ni Teo na hindi niya alam na programa pala ng kapatid niyang si Ben ang Kilos Pronto.
Binigyang diin nito na kung nabatid niya lang, tiyak aniyang hindi niya pipirmahan ang kontrata para sa paglalagay ng DOT ad sa naturang programa.
Nanindigan din si Teo na dumaan sa tamang proseso at sa kanilang mga abogado ang ad placement ng DOT sa People’s Television.
Dahil dito, nasermunan ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon si Teo dahil sa posibleng conflict of interest.
—-