Binawi na ng Department of Tourism (DOT) ang certificate of authority to operate ng City Garden Grand Hotel (CGGH), kung saan natagpuang walang malay ang flight attendant na si Christine Dacera at kalauna’y idineklarang patay sa ospital.
Ayon sa DOT, may pananagutan ang CGGH dahil sa malinaw na panloloko nito sa kanilang mga kliyente.
Ito ay matapos mapatunayang pinauupahan ng CGGH ang kanilang pasilidad para sa leisure at staycation purposes kahit ginagamit ito bilang quarantine facility.
Dagdag ng DOT, batay sa kanilang mga nakalap na ebidensiya, ginagawa na ito ng CGGH bago pa man napaulat ang kaso ni Dacera noong January 1 at nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon.
Bukod dito, sinuspinde na rin ng DOT ang accreditation ng City Garden Grand Hotel sa loob ng anim na buwan at pinagmumulta ng P10,000 para paglabag sa quarantine protocols.
Samantala, maaari namang maghain ng apela ang CGGH sa loob ng itinakdang panahon ng DOT.