Malaki ang magiging epekto sa industriya ng turismo sa bansa kapag nagpatupad ng travel ban laban sa South Korea dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang iginiit ng Department of Tourism (DOT) lalu na’t nangunguna ang mga South Koreans sa bilang ng tourist arrivals sa Pilipinas.
Samantala, binigyang diin naman ni Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat na hindi nila ikinukunsidera at hindi irerekumenda sa inter-ageny task force on emerging infectious disease ang magpatupad ng travel ban sa South Korea.
Una nang itinaas ni South Korean President Moon Jae-In ang red alert bunsod ng mabilis na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa.
Sa pinakahuling datos ng South Korean authorities, umakyat na lima ang bilang ng nasawi dahil sa COVID-19 habang pumalo na sa mahigit 600 ang kumpirmadong kaso nito.