Desidido si Tourism Secretary Wanda Teo na kumuha ng mga Overseas Filipino Workers para maging interpreters at tour guide dito sa bansa.
Ayon kay Teo, ang mga OFW na magtatapos na ang kontrata ang kukunin ng DOT upang maging interpreter dahil tiyak naman aniyang bihasa na ang mga ito sa lengguwahe ng bansang kanilang pinagmulan.
Pahayag ng DOT secretary, nagkausap na sila ni Labor Secretary Silvestre Bello upang maplantsa na ang mga guidelines na kakailanganin para masimulan na ang proyekto.
Paliwanag ni Teo, ang mga OFW na mula sa mga bansang Korea, China at Vietnam ang kanilang kukunin dahil sa ito ang in-demand ngayon.
Naniniwala si Teo na mas mahihikayat na ngayon ang mga OFW na manatili na lamang sa bansa dahil sa mga ganitong oportunidad.
Pwede rin aniyang mag-part time ang mga OFW na naghihintay pa ng renewal ng kanilang mga kontrata sa ibayong dagat.
Kinumpirma naman ni Teo na patuloy na tumataas ang bilang ng mga lokal at dayuhang turista sa bansa.