Papayagan na ngayon ng pamahalaan ang mga staycations sa mga lugar na nakapailalim sa general community quarantine (GCQ).
Ayon ito kay Tourism Sec. Bernadette Romulo – Puyat matapos aprubahan ito ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang bigyang daan ang muling pagbuhay sa turismo sa panahon ng pandemya.
Gayunman, sinabi ng kalihim na kailangang mahigpit pa ring sundin ang minimum health protocols upang maiwasang mahawaan ng COVID-19.
Nakatakdang magpalabas ng memorandum ang Tourism Department para sa staycations sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ tulad ng kung ilang tao lamang ang maaaring umokupa sa isang guest room.
Gayundin ay kung ilan ang papayagang gumamit ng iba pang mga pasilidad tulad ng recreational areas ng mga hotel o lodging houses maging sa mga restaurant nito.