Plano ng Department of Tourism (DOT) na hilingin sa mga airline company na huwag nang maningil ng rebooking fee mula sa mga turistang nakaplano nang bumisita sa Boracay, Aklan sakaling matuloy ang mungkahing pagpapasara sa isla.
Ito, ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo, ay alinsunod sa rekomendasyon na 2-month temporary shutdown ng Boracay sa mga turista upang bigyang daan ang rehabilitasyon na sinasabing lulutas sa mga environmental problem ng isla.
Plano rin ng ahensya na i-promote o ibida ang ibang tourist destination sa bansa bilang alternatibo sa sandaling ipasara ang Boracay na pangunahing destinasyon ng mga turista lokal man o dayuhan.
Balak isabay ang shutdown ng Boracay sa panahon ng Habagat upang hindi umano gaanong maapektuhan ang kita sa turismo.