Naghain na ng reklamo ang Department of Tourism (DOT) laban sa anim na turistang nameke ng kanilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) swab test results para lamang makapasok sa Boracay Island noong Enero ng kasalukuyang taon.
Ayon sa DOT, patuloy at paulit-ulit ang kanilang paalala sa mga turista laban sa pamemeke ng resulta ng swab tests.
Dahil dito ay naghain na ng kaso ang ahensya laban sa mga naturang turistang nanggaling sa Maynila kung saan, tatlo sa mga ito ang una nang nakumpirmang positibo sa COVID-19.
Samantala, welcome din kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang naging direktiba ng Department of the Interior and Local Government sa Philippine National Police na arestuhin ang sinumang mapapatunayang nameke ng kanilang COVID-19 test results.