Pinagpapaliwanag ng Department of Tourism (DOT) ang pamunuan ng hotel sa Makati City kung saan natagpuan ang wala nang buhay na flight attendant na si Christine Dacerna.
Sa ipinalabas na show-cause order ng DOT, inatasan nito ang City Garden Grand Hotel na magsumite ng written explanation kung bakit hindi dapat suspindihin ang kanilang operasyon dahil sa mga posibleng paglabag.
Ayon sa DOT, alinsunod sa kanilang administrative order number 2020-002-C, hindi maaaring tumanggap ng accommodation para sa leisure purposes ang mga establisyimento sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine na ginagamit bilang quarantine o isolation facility.
Pili lamang din, anila, ang maaaring tanggaping guests batay na rin sa isinasaad ng Section 24 ng nabanggit na kautusan basta’t pasok lamang sa pinapayagang bilang.
Kinakailangang isumite ng naturang hotel sa DOT ang kanilang paliwanag sa loob ng tatlong araw.