Iniimbestigahan na ng Department of Tourism ang sinasabing ginamit na stock footage mula sa ibang bansa sa “Love the Philippines” promotion video.
Ayon sa ilang netizens, may mga clips sa inilabas na tourism campaign video na mula umano sa Thailand, Indonesia, United Arab Emirates na accessible sa Storyblocks, na isang rapid video creation platform.
Bilang tugon, sinabi ng dot na sinimulan na nitong imbestigahan upang matukoy ang katotohanan sa paratang na hindi original video ang ginamit para sa bagong kampanya sa turismo ng bansa.
Sinabi ng departamento na paulit-ulit silang humingi ng kumpirmasyon mula sa kinontratang ad agency na DDB Philippines sa originality at ownership ng mga materials na ginamit sa campaign video.
Samantala, tiniyak ng DOT sa publiko na hindi ginamit ang pera ng bayan para sa audio-video presentation.
Nauna nang sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na ang “Love the Philippines” Tourism Campaign ay nagkakahalaga ng P49 milyon.