Inilabas ng Department of Tourism (DOT) ang target nilang international visitor arrivals para sa 2024. Mula sa target na 4.8 million foreign visitors nitong 2023, halos dumoble ito ng 7.7 million para sa susunod na taon.
Mas mababa man ito kaysa sa tourist arrival noong 2019 na higit 8.2 million, tiniyak naman ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco na ginagawa nila ang lahat upang maabot ang bagong target at mapalapit sa pre-pandemic levels.
Optimistic naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling babangon ang tourism sector ng Pilipinas.
Sa kanyang second State of the Nation Address (SONA) noong July 24, 2023, inilarawan ni Pangulong Marcos ang tourism sector bilang reliable pillar sa pag-unlad ng ekonomiya dahil nagbibigay ito ng kabuhayan sa higit 5 milyong Pilipino.
Sa speech naman ni Pangulong Marcos para sa opening ceremony ng 34th Philippine Travel Mart noong September 1, 2023, sinabi niyang layong gamitin ng kanyang whole-of-nation approach ang strengths at competitive advantages ng tourism sector upang patatagin ang economic position nito sa panahon ng revenge travel.
Tumutukoy ang revenge travel sa tendency ng isang taong mag-travel matapos manggaling sa matagal na isolation, kagaya na lang noong pandemya. Pambawi ito sa mga nawalang oras mula sa pagkakakulong sa bahay.
Ayon sa Pangulo, isinasagawa na ang mga polisiya at programang mag-uupgrade sa critical tourism infrastructure and capacity building para sa mga negosyante at manggagawa. Ibinigay rin niya ang commitment na gumawa ng wholesome climate at stable foundation sa pamamagitan ng pagkakaroon ng business-friendly environment.
Kaugnay nito, kasalukuyan ding pinapaunlad ng DOT ang visitor experience sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at initiatives, gaya na lang ng tourist rest areas na itatatag sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mayroon itong clean restrooms, lounge area, complete information about tourist destinations, at pasalubong centers. Direktiba ito ni Pangulong Marcos sa ahensya.
Ayon pa kay Secretary Frasco, nakikipagtulungan ang DOT sa Department of National Defense (DND) at Department of Interior and Local Government (DILG) para sa safety and security ng mga turista. Mayroon ding partnership ang DOT at Department of Communications, Information and Technology (DICT) para sa paglalagay ng WiFi sa tourist destinations, pati na rin ng mas pinahusay na digital platform at tourist assistance call center.
Hindi maikakaila ang magandang epekto ng turismo sa bansa. Sa patuloy na pagpapalakas ng administrasyong Marcos sa tourism sector, hindi imposibleng malagpasan muli ang target tourist arrivals para sa susunod na taon. Inaasahang sa pagpapaunlad sa sektor ng turismo, mas magiging matatag ang ekonomiya ng Pilipinas.