Tiniyak sa publiko ni Tourism Secretary Christina Frasco na nakikipag-ugnayan na sila sa mga concerned agencies hinggil sa umano’y overpriced na seafoods sa Virgin Island sa Panglao, Bohol.
Ito’y makaraan ang viral post ng isang Vilma Uy sa social media ang 26,100 pesos na ginastos ng kanyang mga kaibigan sa pag-order ng seafood, prutas at softdrinks sa isang kainan sa Virgin Island.
Ayon kay Frasco, seryoso nilang tinitingnan ang issue dahil mahalaga ito para sa kapakanan ng mga turista na patuloy na sumusuporta sa iba’t ibang destinasyon at recovery ng tourism industry ng bansa.
Bagaman batid anya nila ang kinakaharap na mga hamon ng mga tourism-related business na unti-unting bumabangon matapos ang travel restrictions, dapat panatilihin ang kalidad ng serbisyo at makatarungang presyo para sa mga turista.
Kabilang sa mga katuwang ng DOT ang Department of Trade and Industry upang matiyak na nasusunod ang makatuwirang pricing standards para sa consumer protection.
Nakikipag-ugnayan na rin ang regional office ng DOT sa mga local government unit upang makapagbigay ng standard guide para sa serbisyo sa mga turista.