Bukas ang Dept of Transportation na baguhin ang oras ng libreng sakay para sa mga estudyante sa MRT-3, LRT-2 at PNR.
Ayon kay Mike Capati, director for operations ng MRT, tatapusin muna nila ang trial period na tatlong buwan bago mag adjust ng oras kung kinakailangan.
Sinabi ni Capati na kailangan muna nilang tignan ang reaksyon ng mga tao at ang bilang ng mga estudyanteng nakakasakay ng libre sa susunod na mga buwan.
Sa unang araw ng pagpapatupad ng libreng sakay, nasa 328 estudyante ang nakasakay ng libre sa MRT-3 ng umaga at 341 naman ng hapon.
“Kasi sa unang pag asses namin, meron talagang mga estudyante na lumalabas ng between 3:00pm, yung mga middle shift at yung mga papasok naman ng last shift between 5:00 to 5:30. So rereviewhin po natin ito once na nakita natin na kailangan mag adjust, ay mag aadjust po tayo. Ang importante po diyan ay makuha po natin ang maximum na benepisyo para po sa mga estudyante natin. “ — Mike Capati, director for operations, MRT
Sa ngayon anya ay tuloy tuloy ang information drive nila upang mas maraming estudyante ang maka avail ng benepisyong ito mula sa pamahalaan.
Umabot na rin anya sa 5,000 ang nakapag aplay ng online para sa student free ride ID at inaasahang dadami pa ito sa mga susunod na araw.
Libre ang sakay ng estudyante sa MRT 3 mula alas 5:00 ng madaling araw hanggang 6:30 ng umaga at alas 3:00 hangang 4:30 ng hapon
4:30 ng umaga naman magsisimula ang libreng sakay sa LRT 2 hanggang alas 6:00 ng umaga at alas 3:00 hangang 4:30 ng hapon.
Samantala, alas 5:00 hanggang alas 6:00 ng umaga naman ang libreng sakay sa PNR at alas 3:00 hanggang alas 4:00 ng hapon.
(Ratsada Balita interview)