Desidido ang Department of Transportation (DOTr) na ituloy ang implementasyon ng nabuo nilang programa para sa motorcycle-taxi service.
Pahayag ito ng DOTr sa harap ng tatlong araw na temporary restraining order na nakuha ng Angkas mula sa Mandaluyong City Regional Trial Court.
Sa inilabas na temporary restraining order (TRO) ni Judge Ofelia Calo, pinipigilan ang DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatupad ang revised guidelines sa motorcycle-taxi pilot program kung saan nililimitahan sa 10,000 lamang ang riders ng Angkas para sa Metro Manila at 3,000 sa Metro Cebu.
Ayon sa DOTr, kailangang matapos nila ang pilot run hanggang Marso upang makabuo ng magiging rekomendasyon nila sa Kongreso na bubuo ng kaukulang batas para sa motorcycle-taxi.