Inilarga na ng Department of Transportation ang kanilang Oplan Ligtas Biyahe: Undas 2016 upang tulungan ang mga biyaherong uuwi sa mga lalawigan ngayong undas na isa ring long weekend.
Kasunod nito, inatasan ng DoTr ang lahat ng mga ahensya ng gubyerno na nasa kanilang pamamahala na itaas ang heightend alert status upang matiyak na ligtas na makabibiyahe ang mga kababayang magtutungo sa mga lalawigan.
Ilan sa mga ipinatupad nang programa ay ang pag-iinspeksyon sa mga terminal ng bus, mga paliparan at pantalan para tiyaking ligtas at nasa kundisyon ang mga bibiyaheng sasakyan upang maiwasan ang mga aksidente.
Magdaragdag din ng mga tauhan ang Toll Regulatory Board o TRB sa mga toll plaza kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga motorist.
Mayruon ding management team na nilikha ang Manila International Airport Authority na siyang aalalay sa mga pasahero sa paliparan na bibiyahe sa mga lalawigan o palabas ng bansa.
Mananatili naman ang kasalukuyang bilang ng mga tren ng Philippine National Railways o PNR upang mapagsilbihan ang mga uuwi sa southern Metro Manila gayundin sa Bicol region.
Tutukan ng MARINA o Maritime Industry Authority ang lahat ng biyahe ng mga domestic passenger ships upang masiguro na walang overloading ng mga pasahero.
Habang aabot sa halos tatlong libong tauhan ang ipakakalat ng Inter-Agency Council on Traffic o i-ACT para magmando sa mga motoristang daraan sa mga kalsada sa Metro Manila.
By Jaymark Dagala