Handang depensahan ng Department Of Transportation (DOTr) ang rekomendasyon nitong itaas sa 100% ang passenger capacity sa public road at rail transportation na may pilot implementation sa Metro Manila.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for road transport and Infrastructure Steve Pastor, nagsumite na sila sa Inter-Agency Task Force ng formal position paper kaugnay sa hirit na increase sa passenger capacity.
Ito, anya, ang isa sa ikinukunsidera nilang paraan upang matulungan ang mga Public Utility Vehicle (PUV) driver at operator sa gitna ng COVID-19 pandemic at walang patid na oil price hike.
Kabilang sa mga naging batayan upang ilarga ang pilot run sa Metro Manila ay ang pagsasailalim sa NCR sa alert level 3, matinding epekto ng pandemya sa kabuhayan ng mga PUV driver at operator, at mataas na vaccination rate na aabot na sa 82%.
Nakatakda namang talakayin ng IATF ang rekomendasyon ng DOTr ngayong araw.—sa panulat ni Drew Nacino