Idinipensa ng Department of Transportation (DOTr) ang binawasang espasyo o pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan simula ngayong araw na ito.
Ayon kay Transportation Undersecretary Artemio Tuazon, pinagbasehan nila sa bawas-distansya ang pag-aaral ng mga expert mula sa railways at medical fields.
Partikular na tinukoy ni Tuazon ang sistema sa pag-aaral ng International Union of Railways na nagsasabing hindi naman ganun kailangan talagang malaki ang distansya.
Binigyang diin naman ni Tuazon na batay naman sa pahayag ng medical experts, mababawasan ang transmission rate ng 94% hanggang 95% kung susundin ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, gayundin ang paghuhugas madalas ng kamay at regular disinfection.
Sinabi pa ni Tuazon na nakabase pa sa 1980’s study ang 1-meter distance na inirekomenda ng World Health Organization (WHO) para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.
Magugunitang inihayag ng DOTr na makalipas ang dalawang linggo ay ibababa pa sa 0.5-meter ang distansya at 0.3-meter na lamang makalipas ang panibagong dalawang linggo para na rin mapataas ang bilang ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.