Inamin ng Department of Transportation (DOTr) na hindi nila inasahan ang dami ng bulok na bumibyaheng pampasaherong sasakyan na target hulihin sa ilalim ng ‘Oplan Tanggal Bulok Tanggal Usok’.
Ayon kay Transportation Undersecretary Tim Orbos, hindi din sila handa sa kaakibat na biglaang kakulangan sa jeep simula nang ilunsad ang programa kaya’t humihingi sila ng pasensya sa mga mananakay.
Sa katunayan ay puspusan na aniya ang pagbibigay ng gobyerno ng special permit sa mga bus na itatalaga sa mga lugar na nagkakaroon ng kakulangan sa jeep.
Dahil sa programa na layuning hulihin ang mga tsuper at operator ng mga halos gutay-gutay na sasakyan, hindi nakabibiyahe ang mga jeep na nasisita kaya’t maraming pasahero ang na-stranded simula noong Lunes.
Una nang nilinaw ng Land Transportation Office o LTO na hindi lamang nakatuon sa mga jeepney ang pagpapatupad ng kampanyang ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ bilang bahagi ng public utility vehicle modernization program ng gobyerno.
Ayon kay Francis Almora, Director ng LTO-Law Enforcement Service, target ng kampanya ang lahat ng klaseng sasakyan na hindi sumusunod at may mga paglabag sa batas.