Inilabas na ng Department of Transportation (DOTr) ang mga patakaran na dapat sundin sa mga pampublikong transportasyon habang umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal o mas kilala bilang “NCR Plus” hanggang Abril 4.
Ayon sa DOTR, limitado pa rin sa 1,500 ang international inbound passenger capacity kada araw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang limampung porsiyento lamang ang papayagan sa maritime sector.
Magpapatuloy din ang operasyon ng mga tren ng MRT, PNR, at LRT pero dalawampu hanggang tatlumpung porsiyento lamang ang kapasidad na papayagan kada tren.
Pinapayagan namang bumiyahe ang mga bus at dyip ng hanggang limampung porsiyento ng kapasidad ng mga ito, kung saan kasama sa bilang ang mga driver at konduktor. Mahalaga ring ipatupad ang ‘one seat apart rule’ at bawal ang sabit o nakatayong pasahero.
Puwede namang pumasok sa ‘NCR Plus’ ang mga provincial buses na may sakay na Authorized Persons Outside Residence o APOR pero dapat ay point-to-point trips ito.
Sa UV Express, taxi at TNVS, dalawang pasahero lamang kada ‘row’ ang pinapayagan at hindi ito dapat humigit sa limampung porsiyento ng kanilang kapasidad.
Mahigpit ding ipatutupad ang mahigpit na physical distancing o one-seat apart sa mga shuttle services habang isang pasahero lamang ang papayagang sumakay sa traysikel.
Papayagan din ang operasyon ng mga motorcycle taxis para sa mga APOR habang bawal ang illegal na motor taxi services o “habal-habal.”
Ayon sa DOTR, maaaring bumiyahe o gumamit ng non-motorized transport at iba pang personal mobility devices tulad ng bisikleta habang umiiral ang ECQ pero dapat nasusunod pa rin ang physical distancing measures.
At tandaan din ang 7 Commandments sa loob ng public transport:
(1) Magsuot ng face masks at face shield
(2) Bawal makipag-usap o tumawag sa telepono habang nasa biyahe
(3) Bawal kumain
(4) Dapat well-ventilated ang PUVs
(5) Gawing regular ang disinfection
(6) Bawal bumiyahe o sumakay ang mga may sintomas ng COVID-19
(7) At sumunod sa physical distancing rule