Binalaan ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga nanlalamang na taxi driver.
Ito’y matapos makarating sa kaalaman ng dalawang ahensya sa pamamagitan ng isang Facebook vlog ang tungkol sa patuloy na pang aabuso ng ilang taxi driver sa mga pasahero nito lalo na sa mga dayuhan.
Isang nagpapakilalang “Bisayang Hilaw” ang nagpost ng kaniyang vlog na pinamagatang “pinoy social experiment on taxi drivers” makikitang mayroon pa ring mga taxi driver na mapagsamantala habang mayroon din namang mga tapat na tsuper.
Batay sa kumalat na video, sumakay ang naturang vlogger ng mga taxi kasama ang dalawang foreigners, may mga taxi driver na agad humihirit ng dagdag na pasahe dahil sa iba’t ibang kadahilanan gaya ng traffic, sira ang metro o malayo.
Dahil dito, sinabi ng DOTr na paiigtingin pa nila ang kampanya laban sa mga taxi driver na nangaabuso ng kanilang pasahero.
Hinimok din ng ahensya ang publiko na i-report lamang sa kanila ang mga pasaway na taxi driver.